Kagabi. Binangungot ako kagabi. Sa bangungot, magubat pa ang Lungsod Quezon. Hindi ko alam ngayon kung paano ko nalaman iyon, pero sa panaginip, alam kong naroon nga ako, narito, sa Lungsod Quezon. Sinauna, ngayon nililimi ko, ang panahon sa bangungot.
Sa bangungot ko, sa likod ko nanggagaling ang kaheling liwanag na dumudungaw, nagpapaalam, sa tinatahak kong landas mula sa mga siwang ng mga dahon ng mga puno sa paligid. Napakatatayog nila at napakatatanda. At nakalambat sa akin ang kanilang mga anino, silang mga punongkahoy na hindi ko mapangalanan ang karamihan, bagaman nakakita ako ng ilan na kilala ko yata – lauan, narra, ipil-ipil, ilang-ilang, dao, kamagong. Ngunit nakatayo’t hindi ko kilala ang karamihan sa kanilang nagbubulungan sa lawiswis. At napakayayabong din ng kanilang mga dahon, naglalatag ng isang malawak na lunting langit-langit na nagkukubli sa tunay na papawirin.
Malago ang kagubatang nakapaligid sa akin, at sa mga oras na iyon, kinukumutan ng muràng anino ang lunti at kayumangging gumagapang sa bawat sulok ng daigdig. Sa bahaging ito ng gubat, nabatid kong dito’y higit na malalim ang mga anino sa bukang-liwayway sapagkat lumiliit ang mga halaman, puno, yerba, damo at lumot sa yabong at tayog ng kumpol ng mga punongkahoy sa di-kalayuan: mga tulos waring nangakatudla sa isang naglumot na batis.
Mula sa aking layo, tila dalawang kulay ang kanilang mga dahon – lunti at puti. Sa kanilang tagiliran, naglalayag ang mga malabulak na ulap na paminsan-minsang sumasanib sa mga tunay nilang dahong malalim at malapot ang taglay na lunti. Kakulay ng mga karayom ng mga punong palasak noon sa lungsod ng Baguio. At mula rin sa kinatatayuan, naaninawan kong gagakarayom ang mga dahon niyong mga dakilang puno. Noon ko natalos ang aking pagkahamak na mabigat, lumulan sa aking mga balikat. Sa kaninong kamay nga ba magmimistulang karayom ang mga dahong singninipis man ng sinulid, sintataas naman ng bahay.
Pahalang ang pag-ungos ng mga sanga ng mga punong iyon, tila may mga hinaharangan, parang nangakadipang tanod. Napakalayo ng agwat ng pinakamabababang sanga ng mga ito mula sa langit-langit na inilalatag ng kakahuyan sa kanilang paanan – sampung daong pagpapatung-patungin, sa tantya ko. Tila napakakikinis ng kanilang mga banakal. Sa tuwi’t tuwina, umuuga ang mga kumpol ng mga dahon sa dulo ng mga sanga. At sa tuwing hihipan ng hangin ang naturang mga dahon, na parang kamay na inilulusong sa buhok na kulot, mahaba’t makapal, nararamdaman ko ang dampi ng hanging silangan.
Naglalakad ako noon tungo sa paanan ng mga puno. Iilang silahis na lamang ng liwanag ang nakadudungaw mula sa mga siwang ng mga dahon ng mga punong sa paligid. At makalipas ang ilang sandali, pumatak na ang dilim nang hindi ko namamalayan; mabilis, tulad ng pagkalat ng tinta ng pugita kapag tumatakas. Subalit tila dapithapon pa nga lamang at hindi pa gabi, sapagkat tinitinahan pa rin ng kahel ng takipsilim ang mga punong matatayog.
Natatandaan kong naisip ko sa panaginip na marahil kaya sila tumaas nang tumaas, ay upang makasagap ng liwanag mula sa araw bagaman nagtitiklop na ng mga dahon ang ilan sa mga puno sa kanilang paanan.
Namalayan ko sa kalaunang may mga kasama ako sa paglalakad ngunit tila hindi nila ako nakikita. Pula ang kanilang mga putong at may kalubang nakasabit sa mga baywang ng ilan – ng itak o balaraw – habang mga talanga naman ang sa ibang may mga tangang busog. Walang sandatang landos, subalit ramdam mong kaya nilang sumalakay sa isang iglap. Nakatitig sa mga punong matatayog ang ilan sa kanila, habang ang iba nama’y titig na titig sa nilalakarang landas. At habang patuloy na humahakbang, naramdaman kong tumatama ang kaluban ng sandata kong tumatama-tama sa suot kong bahag.
Nagsindi na ng mga sulo ang ilan sa kanila. Maraming lamok at ibang mga uri ng kulisap na umaali-aligid sa taglay naming liwanag, at nang mapatingin ako sa hanggahan ng tanglaw at gabi, napakalapot at malalim ng mismong karimlan. Na tila pilit tinatakasan ng mga kulisap. Nararamdaman ko ang muhi ng dilim, nagbabantang kakapit, at pupulupot, manlalamon nang buong-buo’t kahit ang iyong mga hiyaw.
Lumalawiswis ang mga dahon sa langit-langit. Tinangka ko at ng mga kasama ko sa panaginip na hindi gumawa ng ingay, subalit sa bawat hakbang, tila sigâng nagliliyab ang bawat tuyong dahong madudurog, at waring balantok na nabibiyak ang bawat sangang nababali. Nakapagtatakang dumadagundong ang bawat tunog sapagkat sa paligid, dinig na dinig ang pag-kokak ng mga palaka, ang pag-ugong ng mga bubuli, ang pag-awit ng mga kuliglig at ang iba’t ibang tawag ng mga ibong panggabi. Kahit nagbabantang manlamon ang dilim.
Mahabang panahon ang lumipas bago namin narating ang paanan ng mga puno. Ganap na ang dilim ng gabi noon, at nagtatago ang mga tala sa likod ng tabing ng mga dahon sa ibabaw. Tumingala ang lahat sa malalim at malapot na karimlang nasa ibabaw. Malamig at banayad ang ihip ng hanging nanggagaling mula sa itaas.
Nakapanliliit tumayo sa tabi ng mga punong iyon. Sa malapitan, para silang napakalalaking mga haligi, at ang papawirin ang kisame. Kasinlalapad ng kanilang mga katawan ang rotonda sa hugpungan ng Quezon Avenue at España.
Hindi ko alam kung kailan nawala ang tunog ng mga hayop sa aming paligid, subalit nang magsalita ang lalaking malalim ang pagkapula ng putong, may katahimikang binasag ang kanyang tinig.
“Paligiran na.”
Nagpangkat-pangkat ang mga kasama ko, sampu sa paanan ng bawat puno. Animnapung mandirigma ang lumagay sa mga ugat ng bawat puno. May dalawang malaking tapayang punô ng kung anong likido ang bawat pangkat.
Walo sa bawat pangkat na sampu ang naglabas ng maliliit na timba’t mga tabo. Sinalukan nila ang mga timba mula sa dalawang tapayan at saka sinabuya’t binasa ang katawan ng malalaking puno habang nililigid ang mga ito. Napakalalaki ng mga ugat na humahadlang sa panliligid na ginagawa ng mga pangkat, maladinding ang bawat ugat na umuungos mula sa lupa. Pagkatapos pagsasabuyan ng mga pangkat ang mga puno ng likido, kumikinang na ang katawan ng mga ito sa liwanag ng mga sulo.
Nagkalansingan ang mga hikaw, kalambigas at kuwintas na suot ng lalaking may pulang putong sa kanyang paghakbang. Ginto ang kanyang mga palamuti, at bulawan din ang puluhan ng kanyang patalim. Malalim ang kayumanggi ng kanyang balat, at bakat sa kanyang katawan ang lakas niya. Higit siyang matangkad sa aming lahat, at nang tumayo siya nang tuwid, tumingala, at umusal, lalo siyang lumaki sa tanglaw ng mga sulo.
“Simulan ang pagsunog. Bukas, wala nang madadapuan ang mga ibong sukab.”
Isa-isang inihalik ang mga sulo sa paanan ng mga puno. Bigla at agarang nagliwanag ang gabi. Nawala ang ginhawang hatid ng hanging banayad at pinaram ng isang napakatinding init. Nakapapaso, malayo man ako sa mismong mga liyav. Napasulyap ako sa lalaking lakan sa aking wari. Nagsasayaw sa kaniyang mga mata ang mga alab, at isang ngiti ang naglalaro sa kaniyang mga labi.
Sa tuwi’t tuwina, binabantuan ng mga maharlika (maharlika sila, ngayong napaglilimian ko) ng likidong tila langis ang katawan ng puno upang tiyaking hindi maapula ang mga apoy. Makalipas ang ilang sandali, muling nagsalita ang lakan.
“Ihanda ang mga busog. Ikasa ang mga palaso.”
Mula sa silangan, nagsimulang umihip ang hangin. Malamig at dahan-dahang lumakas. May ingaw na tila sa lawing pumailanlang sa gabing tinip. Kinilabutan ako, habang naglalaban din sa aking balat ang init ng nagbabagang mga puno at ang ginaw na nanggagaling sa silangan. Dinig na dinig sa paglapnos ng apoy sa kahoy, at sa dahan-dahang pagkatupok nito, habang mauulinig sa likod nito ang anino ng pagpagaspas ng mga pakpak. Nagsitalungkuan ang mga maginoo. Nakatutok sa silangan ang mga pana.
Nanikip ang aking dibdib.
Isang iglap ng katahimikan. Paglutang sa tanglaw ng apoy. Isang bagwis. Paghagibis ng mga palaso. Karimlan. Katahimikan. Pagbulangit ng hangin.
Nakatingala ang lahat. Nangakatalungko, tutok sa langit ang mga palaso ng mga may busog, nakaamba ang mga patalim ng iba. Matikas ang tindig ng lakan, sabik ang kanyang mga mata.
Tumingala ako. Isang anino ang iniluwal ng malapot na karimlan. Nakadipa ang mga bisig nitong hugis pakpak, at nilamon ng anino ang naglalagablab na liwanag. Nakaakmang mandadagit. Nandadagit. Ako ang dinadagit.
**
Naalimpungatan ako nang biglang bumulahaw ang alarm kong katunog ng umaatras na trak. Gaya ng gawi, sinalat ko ito mula sa ilalim ng unan at pinindot. Nanahimik. Hindi ko kadalasang pinapansin ang una nitong pagbalahaw; karaniwan kong binabangunan ang ikalawa o ikatlong paghiyaw nito. Pero sa araw na iyon, hindi. Sa umagang iyon, nadama ko iyong pakiramdam na gusto mo pang matulog, pero parang hindi ka na makakatulog. Mulat na ang diwa. Ngunit hindi ako bumangon kaagad. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatitig sa dilim ng madaling araw sa gilid ng kama ko, bago ko hinarap ang mukha ng selepono nang mag-vibrate ito.
5:15 a.m.
Ang oras na kumukurap-kurap sa mukha ng selepono ko. Binuksan ko ang inbox. May limang tao na palang nagtext. Ang tanong ng pinakahuling mensahe, kung umuulan ba dito. Sasagutin ko na sana ng “hindi, bakit?” nang biglang kumulog sa di-kalayuan napansin kong lumalagaslas ang ulan. Hindi ko alam kung kailan nagsimula, o kailan pa umuulan. Hindi ko siguro napansin ang dahan-dahang paglakas ng ulang papalapit. Bihira ko nang marinig ‘yun mula nang lumipat ako dito sa condo. Walang gaanong marinig mula sa ika-11 palapag. Subalit maganda naman ang tanawin.
Malakas ang buhos ng ulan. Dinig na dinig ang pagtama ng laksa-laksang patak nito sa mga bintana. Nakatalikod ako sa durungawan , pero nakikita ko na ang larawan nito sa isip ko – kamukha ng mga windshield na walang humpay na binubuhusan ng tubig kapag nililinis. At sa ganitong oras, walang hugis at kalát ang mga ilaw ng mga gusali at lansangan sa paligid ng condo ko. Naghahalo-halo, parang abstract painting.
Bumangon ako, hinarap ang pasamanong katapat ng kama, sa kabilang dako ng silid, at hinawi ang kurtina. Napakalakas ng buhos ng ulan. Tuloy-tuloy. At walang palatandaang titila, o ni huhupa man lamang, sa lalong madaling panahon. Hawak ko pa rin ang selepono ko. Muling nag-vibrate. Binasa ko ang mensahe: O, wla na raw pasok. Ngaun lng nagsuspend si Chancy, no? Ingat na lng, pre, 2log na lng ulit ako. Sinagot ko: Sige, salamat. Ingat din. Saka ko binasa ang ibang mga mensahe. Nagtatanong kung may pasok ba yung dalawa. Ang iba naman, anunsyo lang na wala ngang pasok. Ipinasa ko sa mga nagtatanong ang anunsyo bago ko muling ipinantabing sa durungawan ang kurtina.
Umupo ako sa harap ng hapag na kinapapatungan ng laptop ko. Binuklat ko at binuksan. Habang nag-iin-in pa ang kompyuter ko, tinext ko si Karen: Wala raw pasok ngayon, Kar. Punta ako dyan mamaya, ayos lang? Nang ganap nang gising ang laptop ko, binuksan ko ang facebook ko at twitter, pati na rin ang tumblr.Marami nang nagpopost tungkol sa kawalan ng pasok at tungkol na rin sa lakas ng ulan.
Magdamag na palang umuulan nang malakas, at baha na raw sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. Nagtaka ako kasi parang hindi naman ganoon kalakas ang ulan kagabi bago ako nakatulog. Sa bagay, alas otso pa lang yata, tulog na ako. Ayon sa ilang mga post sa facebook, nagsimula na namang bumaha sa ilang lugar gaya ng Talayan Village sa Araneta Avenue, sa Navotas, sa Marikina. Mga lugar na lagi namang binabaha. Mabuti na lang, dito ako sa condo nakatira. Sa twitter naman, wala pang gaanong mga gising. Wala pang tumitiririt. Pagkatapos kong mag-log out sa twitter at facebook, sinulyapan ko naman ang tumblr ko. May limang bagong nag-like sa mga pinost kong litrato noong Sabado. UAAP, Ateneo laban sa La Salle. Hindi ako gaanong nagpapaskil ng mga litrato ng mga laro ng UP. Hindi ko na kailangang ipaliwanag pa.
May kaunting liwanag na nang muli kong patayin ang laptop ko at maisipang mag-almusal. Pagkakuha ko ng isang itim na jacket na may pindong mula sa aparador ko, sinilip ko muna ang Katipunan mula sa bintana sa tabi ng kinauupuan ko kanina bago bumaba. Hindi ganap na bumuka ang liwayway – malamlam ang liwanag na kumukumot sa mundo, habang patuloy sa paglagaslas ang ulan. Walang nga raw bagyo, pero parang meron. Sinulyapan ko ang loob ng silid ko bago ko ipinid ang pinto. Malimlim – nakabalot ang abuhing liwanag ng labas sa lahat ng gamit, sa nangakatuping mga aklat, sa kalang walang kawali, sa aparador kong bahagyang nakaawang, sa kamera kong binubulag ng takip ang nag-iisang mata. Sa malamlam na liwanag ng alas sais ng umagang iyon, naalaala ko sa mapanglaw ng sinag ang mga sulok na madalas makaligtaan – inaagiw, at nasisilip-silip na lamang nang bahagya mula sa kabilang ibayo ng isang tabing na pinilakang kay dali sanang hawiin kung hindi lamang kitang-kita sa mga hibla nito ang nagsapot na lungkot, at limot.
Muli akong pumasok, dinampot ang kamera ko mula sa hapag-kainan kong hapag na lamang dapat ang itawag ko, at dali-daling lumabas upang iwang mag-agiw ang silid na iyon.
**
Malamig ang dampi ng habagat sa pisngi ko. Habagat ang tawag kapag ganitong panahon, diba. Hulyo noon. Ikalawang linggo ng Hulyo, at umuulan. Walang kakaiba. Maliit ang payong na dala ko, yung hi-tech na de-pindot na ayos na ayos kahit pang-isahan lang. Na pwede ring pandalawahan kung pipilitin. Pabugso-bugso ang ulan kaya ipinasok ko sa loob ng jacket ko ang kamera ko. Magkukuha sana ako para sa isang photography contest na gusto kong salihan. Saktong-sakto sa tema: ulan. Pero napagpasyahan kong kumain na lamang muna. Natatakot akong baka sumuot sa loob ng kamera ko ang tubig-ulan, kaya naglakad na lang ako papuntang Mcdo.
Iilang hakbang pa lamang ang nailalayo ko sa condo, basang basa na ang mga paa ko. Sa lakas ng buhos ng ulan, nagsasanaw ang tubig sa mga uka, at sa mabababang bahagi ng bangketang di-pantay-pantay ang pagkakasemento. Nakapandidiri nang kaunti, malagkit sa pagitan ng mga daliri.
Napakarami sanang magandang kunan ng litrato noong umagang iyon, habang papunta ako sa Mcdo – mga mag-aaral na nagkukumpulan sa mga payong na masyadong maliliit para sa kanila, mga binatang nakikipagsingilan sa mga taong inalalayan nila sa pag-atras, mga batang nagtatampisaw sa mga salog na lumalatag sa ibang bahagi ng Katipunan. Parang napakasaya nila.
Babad na babad na ang mga paa ko nang makarating ako sa Mcdo. Sumuot na rin ang tubig-ulan sa tela ng pantalon kong maong. Iwinirig ko ang payong ko bago ako pumasok sa kainan. Malamig, ah. Hindi katulad ng sa karaniwan, kakaunti ang mga taong nag-aalmusal sa Mcdo noon. Umupo ako sa huling hapag sa hanay ng mga sopang upuang kaharap ng mga salamin sa gilid ng kainan. Ayoko kasing kinakatok ng mga batang kalyeng nanghihingi ng pagkain. Hindi ko naman sila gustong bigyan, pero nakakailang ding basta na lang tumuloy sa pagkain. Higit pa rito, umaaliwalas din kasi ang pakiramdam ko kapag tinatanaw ko ang Ateneo mula sa bahaging ito ng katipunan sa ganitong mga pagkakataon – maulan at hindi trapik. Subalit hindi ko malasap sa umagang iyon ang tanawin. Tinatabingan ng ulan ang ibayong pampang ng Katipunan. Kung baga, kung sa mga TV noong de-antenna, may static, kaya di ko makita nang malinaw.
Iniwan ko ang payong ko sa ibabaw ng mesa bago umorder. Walang pila kaya nakapag-order kaagad ako. Pagkatapos kong sabihin sa babae sa counter na gusto ko ng sausage mcmuffin with egg at orange juice, may biglang kumalabit sa balikat ko: libre naman d’yan o. Lumingon ako, si Iya pala.
“Anlaki ng ngiti mo, a. Dahil ba walang pasok?” Napangiti na rin ako. Matagal ko na siyang hindi nakikita.
“Oo, dahil nga walang pasok!” Nakapamewang ang dalawa n’yang braso. “So, ikaw, ano’ng ginagawa mo dito?”
“Mag-aalmusal. Ikaw?”
“Mag-aalmusal din,” sabay tawa. “Banda rito ka lang ba nakatira? O hindi mo lang talaga nakuha kaagad ‘yung text na walang pasok?”
“Dito lang ako nakatira.” Nakalulan na ang mga inorder ko sa isang tray sa counter. Tumabi ako upang makaorder si Iya. “Ikaw, baki’t dito ka pa mag-aalmusal? Banda rito ka rin ba nakatira?”
“A, hindi, may pupuntahan kasi ako.”
“Sa ganito kalakas na ulan?”
“Teka, ikukuwento ko sa ‘yo mamaya. Order muna ako. May kasama ka ba?”
“Wala naman. Sige, hihintayin ko na lang ang kwento mo.” Itinuro ko sa kanya kung saan ako nakaupo.
Napunasan ko na ang mesa nang ilapag ni Iya sa mesa ang tray ng kanyang agahan. Parang napakalungkot mo naman. Patawang biro n’ya nang makita akong nakapangalumbaba’t nakatitig sa dako ng Katipunan. Hindi, masarap lang talagang titigan ang ulan, ang mahina kong tugon. Bilang ulan na rin ang pinag-uusapan natin, sinabi ko nang harapin ko s’ya, pagkatapos niyang ilapag ang backpack niya sa bakanteng upuan sa kanyang kaliwa. Saan ka naman pupunta sa ganitong panahon? patawa ko ring tanong sa kanya habang papaupo siya sa harap ko.
“A, kasi gusto ko sanang magkuha sa Marikina ngayon. Sa katunayan, dala ko nga si Patatas ngayon e.”
“O?” Inilabas ko ang kamera ko mula sa jacket ko at inilapag sa mesa. “Saan ka naman sa Marikina kukuha? Hindi ba delikado?”
“Uy! Dala mo rin ang iyo!” sambit niya. “Pero para sagutin ko’ng tanong mo, hindi ko pa talaga alam kung saan sa Marikina. May dala nga akong radyo para alam ko kung saan yung mga baha, kung aling mga baha yung ligtas puntahan at kunan ng litrato.” Ipinakita n’ya sa akin ang radyo n’ya. “O diba?”
“Bakit mo naman naisipang magkukuha ngayon? Ginagawa mo ba talaga ‘yan kapag bumabagyo?”
“Actually, first time ko ngang gawin ‘to e. Sabi sa balita kanina, mukhang magiging malakas daw kasi’ng ulan ngayong araw. Nagbabaha na nga raw sa ibang mga lugar e. Naisip ko lang ding subuking maging parang photojournalist na ewan. Gusto ko sanang magkukuha rin nung kasagsagan ng Ondoy, kaso sobrang hindi ako pinalabas ng bahay noon. Sabagay, nakakatakot naman talaga yung panahon noon. Parang mas maaliwalas nga ngayon e.”
“Ganyan ba ang maaliwalas?” Dinig na dinig sa loob ng Mcdo ang dagundong ng ulan.
“E, basta. May sinasalihan din kasi akong photo contest e. Sa loob ng dalawang linggo ang deadline. Tag-ulan ang tema. Magandang panahon ‘to para makakuha ng mga panalong picture, no!”
“Hm, e paano ka naman pupuntang Marikina?”
“Sasakay ako ng LRT, tapos bahala na kung saan ako mapadpad.”
Hinawakan ko’ng kamera ko, binuksan, at tiningnan ang mga kamakailan kong larawan. Wala pa palang gaanong tungkol sa ulan. Puro kaming dalawa ni Kar. “Sige, Iya, nainspire mo ako. Baka magkuha na rin ako ngayong araw.”
**
Pasado alas otso y media na nang makabalik ako sa condo. Hindi na rin ako nagtagal sa Mcdo pagkaalis ni Iya. Panandalian ko lang pinanood ang mga batang kalyeng naglalaro sa ulan, bago lumusong pabalik sa condo.
Pagkabalik na pagkabalik ko sa kwarto ko, pumasok ako sa banyo at nag-shower gamit ang mainit na tubig. Bahagya nang umiihip ang hangin habang naglalakad ako pabalik sa Katipunan kaya higit pa akong nabasa kaysa noong papunta ako sa Mcdo. Pagkalabas ko sa banyo, tiningnan kong muli ang selepono ko. Nagtext si Kar: Sige, mamayang mga 11. Maglilinis muna ako e. See you!
**
Sa malapit na Starbucks ako nagpalipas ng oras, at bilang tutuloy naman ako sa bahay ni Karen, dinala ko na rin ang Pajero ko. Umupo ako doon sa isa sa mga luntiang sopa sa loob ng kapihan, sa tabi ng bintana. Malakas-lakas na ang hangin sa labas, humahayuhay ang mga sanga ng puno ng mangga sa labas, habang naaanggi-anggihan ang mga mesang iniuukol sa mga nagyoyosi. Kakaunti lang din ang mga naninigarilyo sa labas, maging ang mga taong tumatambay sa loob. Maginaw ang panahon kaya Café Latte ang binili kong inumin. Habang sinisipsip-sipsip ang kape, kakaiba na talaga ang panahon ngayon. Kahapon lang, tirik na tirik ang araw, at init na init kami. Nakailang bote rin ako ng tubig. Sumandal ako at binuklat ang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes. Nakailang pahina rin ako bago ako muling tumingin sa labas. Sa mga Kuko ng Ulan.
May ilang mayang nakikisilong sa mga bakanteng mesa sa labas ng kapihan. Lumulundag-lundag, naghaharutan. Naisip ko, mabuti na lang, wala gaanong taong nagyoyosi ngayon. Madalas kong pinag-iisipan kung saan sumisilong ang mga ibon kapag umuulan nang malakas, dahil tiyak na nababasa sila sa mga sanga ng mga puno. Minsan, kagaya ng mga pagkakataong ganito, natutuwa akong nagagamit ng ilang ibong silong ang mga gusali ng tao. Kagaya minsan sa bahay namin sa Puerto, dumadapo ang mga aromasit at maya sa ilalim ng bubungan.
Kumuha ako ng bird-watching na PE noong first year ako. Sabi kasi nila, madali lang. At higit pa, mahilig talaga akong manood ng mga ibon. Ang kaso, hindi lang pala puro panood ng ibon ang ginawa namin, may mga pagsusulit pa. Pero naging sulit din naman, nakakita pa nga ako ng lawin. Ang sabi sa klaseng ‘yon, nakababagot na raw ang mga maya – hindi mo na sila kailangang hanapin, naroon sila kahit nasaan ka. Totoo ngang nasa kung saan-saan sila, pero nakatutuwa pa rin silang panoorin para sa akin.
Habang pinanonood ang mga maya, naalala ko ang sinabi ng prof namin, na kung may isang ibon siyang gustong masilayan sa buong buhay niya, iyon ay ang Amihan – ang kauna-unahang ibon sa daigdig, ang ibong saksi sa pagkapal ni Bathalang sa mundo, ang ibong bumiyak sa sa kawayang naglalang kina Malakas at Maganda. Sabi ng prof ko noon, gusto niyang malaman kung sa aling ibon hinalaw ang dalumat ng Amihan. Kung ano ang hitsura nito.
Nung napatigil siya sa pagbabahagi, naisipan kong magtanong. Sir, kung ibon ang Amihan, ibon din ba ang habagat? Alingasngasan ng tawa. Pero hindi ako nagbibiro noon. Kung ibon ang Amihan, baka ibon din ang Habagat. Kaso sabi niya, hindi, hangin lang ang habagat.
Ipinasok ko muli sa aking bag ang librong hawak ko, saka inilabas ang kamera. Itinutok ko sa mga naglalarong ibon sa labas ng salamin. Mga maya, at ulan. Focus. Kalahating-pindot. Lipad. Bago ko sila ganap na nakunan.
Tiningnan ko ang kuha sa kamera ko. Masyadong blurred.
Pinatay ko ang kamera nang manginig ang selepono ko sa bulsa ng pantalon ko. Si Karen, at nasaan na raw ako.
**
Lumalalim na ang tubig sa Katipunan nang iatras ko ang Pajero – gumawa ng maliliit na alon ang mga gulong ng sasakyan habang tinatahak ko ang lansangan tungo sa U-turn slot sa ilalim ng tulay na papuntang Libis. Sa kanto ng Xavierville Avenue at Katipunan, umapaw na sa bangketa ang maitim na tubig. May dalawang batang nagtatampisaw sa tubig sa bangketa habang naliligo sa isang munting talón na likha ng tubig na isinusuka ng alulod sa ibabaw nila. Inihinto ko nang sandali ang sasakyan. Ibinaba ang bintana. Kinindatan sila ng kamera ko, pero parang hindi nila napansin.
Habang papasok sa unang gate ng La Vista, naisip kong baka mag-ilog na naman ang Katipunan sa pagkakataong ito, gaya nung nangyari sa kasagsagan ng Ondoy. Mabuti na lang at mataas ang mga bahay dito. Ipinarada ko ang sasakyan ko sa gilid ng pader na bumabakod sa kanilang bahay. Nagpadala ako ng dalawang text. Kay Kar: Nandito na ako sa labas. Kay Iya: Natuloy ko ba sa Marikina. Parang gusto ko na ring magkuha. Patuloy ang pagbuhos ng ulan. May kasama nang hanging malakas-lakas na ang bugso. Humahayuhay ang mga sanga ng lahat ng halaman sa paligid.
Galing kay Iya: Hindi, nag-alangan ako. Nasa Legarda ako ngayon, ikaw? Narinig kong umingit ang bisagra ng abuhing tarangkahan ng bahay nina Kar. Reply ko: Nakina Kar, pero baka di ako magtagal. Itetext kita mamaya kapag paalis na ako. Puntahan kita. Ibinulsa ko ang selepono ko bago nakisukob sa payong niyang pula. Matapos kong ipinid ang pinto ng Pajero, at ikandado ito, niyapos niya ako.
Malagkit, malamig at may kaunting hapdi ang mga patak ng ulan habang nagdaraop ang aming mga labi. Ngunit dama ko ang init n’ya, ng kanyang hininga, ng kanyang mga palad na humahalik sa aking mga pisngi, ng kanyang pusong pumipintig sa dibdib ko. At sa damuhan, sa bangketang kanugnog ng puting pader ng kanilang bakuran, mistulang malaking gumamela ang payong ni Kar.
*
“Naaalala mo ba kung kailan tayo nagkakilala?” Nakaupo kami sa isang bakal na bangko sa gilid ng kanilang bahay, sa ilalim ng isang silong na tumatanaw sa isang gilid ng kanilang bakuran.
“Oo. Umuulan din no’n diba?”
“Oo, pero hindi ganito kalakas, at walang hangin. Ulan lang talaga.”
Kinikili-kiliti ng kanang kamay ni Kar ang gitarang kipit-kipit n’ya, habang tinitipa ng kaliwa ang leeg nito. Masarap pakinggan ang tinutugtog niyang katunog ng mga bubbles na pinapuputok ng mga bata. O kung may tunog man iyon, siguro gano’n ang magiging tunog ng mga iyon. Maaliwalas, magandang kasaliw ng paghambalos ng ulan sa bubungan, at pag-ihip ng hangin. Nagsasayaw ang mga sanga ng puno nila ng balayong sa loob ng bakuran.
“Swerte mo, no? Buti pala naisipan kong kunan backstage yung mga bandang tumugtog,” dagdag ko.
“Ako pa ba swerte? Sabihin mo, buti pumayag akong magpapicture sa ‘yo.”
“Sabi mo e,” patawa kong sagot. “Pero alam mo, kasalanan niyong lumakas yung ulan nung gabing ‘yun e.”
“Ha? At bakit naman? Excuse you, ako kaya kumanta nung gabing ‘yun.”
“Kaya nga e!” Nangilag ako nang kaunti nang tangkain niyang itama sa tagiliran ko ang katawan ng gitara niya. “Biro lang, ano ka ba. Pero kinover n’yo no’ng gabing yun yung Pumapatak na naman ang Ulan ng Apo Hiking. Bossa version, bagong-bago e, kaya kita nilapitan pagkatapos. Ang kaso, lumakas ang ulan.”
“Kasi naman po, may bagyo noon.”
“Pero wala raw bagyo ngayon diba?”
“Yeah, wala. Nanonood sina mommy ng morning news kanina, wala ngang bagyo ngayong araw, pero asahan daw na magiging malakas yung ulan.”
“Nagbabaha na nga sa Katipunan nung papunta ako dito e.”
“Talaga? Damn, parang Ondoy lang.”
“Oo nga e. Ang weird,no? Kahapon lang, nagrereklamo tayo na sobrang init.”
“Hindi pa nga makulimlim nung hapon e, bigla na lang umulan nung gabi.”
“A, oo, umulan nga raw kagabi.”
“Hindi mo ba napansin?”
“Nakatulog kasi ako nang maaga e.”
“A, pero oo, umulan nang sobrang lakas kagabi. Tapos sobrang lakas din ng hangin. Buti nga ngayon hindi na gaanong malakas e.”
Tiningnan ko ang tatlong balayong nina Kar sa bakuran nila. Para silang pinayuyuko ng ihip ng hangin.
“Baka masyadong maraming humiling ng ulan kahapon.”
“Baka nga,” tugon ni Kar bago niya muling pinatunog ang gitara. “Sabagay, andami ko ngang naririnig kahapon nag-uusap na sana umulan.
“Hindi ko alam kung ganyan ba talaga ang mga tao, Kar, o talagang sanay na lang tayo sa mabilisang ginhawa ngayon. Konting init lang, hindi na kaagad matiis. E paano kaya noong wala pang erkon-erkon? Laging gusto ng mga tao, erkon, kahit hindi naman nga rin kumportable.”
“Pero isipin mo, iba naman ang panahon noon diba? At isa pa, talaga namang mainit kahapon e. Palagay ko likas lang naman talaga sa taong maghanap ng ginhawa kapag di kumportable sa kanya ang sitwasyon. Hindi parati, ha, pero madalas. Tingnan mo tayo ngayon. Parang nagrereklamo na rin naman tayong.”
“Oo nga naman.”
“Alam mo, ingatan mo ‘yang puso mo. Ayoko namang maagang mabyuda sa boyfriend,” tawa. Niyakap niya ako, niyakap ko rin siya pabalik. “Pumapatak na naman ang ulan sa bubong ng ba – “
Biglang bumulangit ang hangin na parang may buhawing dumaan. Nang ilang iglap, hinigit ang katawan ko ng hangin sa magkabi-kabilang direksyon, habang iniipit ang katawan ko sa dingding na nasa ibabaw ng bangko, at ang mga binti ko, sa bangko mismo. Pinilit kong imulat ang aking mga mata. Si Kar din, iniipit ng hangin sa dingding. Hindi ko maikilos ang mga braso ko. Masakit sa matang dumilat, nangangalmot ang hangin.
Makalipas ang ilang sandali, halos sabay kami ni Kar na sumalampak sa bangko. Hingal ko siyang tinanong kung ano ang nararamdaman niya, kung ayos lang ba siya. Hingal siyang sumagot ng isang mahinang oo. Itiningin niya sa akin ang kanyang mga matang mamasa-masa. Magkahalong nagbukal ang takot at katighawan sa kanyang mga mata. Lumapit ako sa kanya, inakap ang kanyang ulo, at isinandal ang noo n’ya sa dibdib ko. Alam kong ramdam niya ang mabilis na tibok ng puso ko. Hingal pa rin ang kanyang paghinga nang sa wakas ay nagsalita siyang muli. Pabulong, at medyo paos: Ano ‘yun?
“Hindi ko alam, Kar.” At niyapos ko s’ya nang lalong mahigpit. Natakot ako, sagot niya.
Inilibot ko sa paligid ang tingin ko: sa ilalim ng bangko, ang basag na gitara ni Kar; sa kabilang dako ng bakuran, mga baling sanga ng balayong, gumamela, mga balaba ng saging at papaya, at mga patay na maya; sa tabi ng bangko, pira-piraso ang isang bangang Tsino; sa dibdib ko, isang dalagang takot.
Tumila na pala noon ang ulan.
Tiningala ko ang papawiring alamaam. At gaya ng isang tuyong dahong iwinaksi ng isa puno, paikot-ikot, paalun-alon, ang pag-ambon ng laksang dambuhalang bagwis na itim. Madilim na taligsik mula sa madagim na langit. Dinampot ko ang unang humalik sa lupa, sa may paanan ko. Kasinghaba ng bagwis ang braso ko, mula balikat hanggang daliri.
Hinalikan ko si Kar sa bumbunan. Magsing-itim ang bagwis na tangan ko at ang kanyang buhok. Kasing-itim ng kanyang mamasa-masang mga balintataw na tumitig sa akin, nagtataka’t humihingi ng sagot na hindi ko maibigay, at ang alpombra ng mga balahibong lumatag sa kanilang harding laging lunti.
Napakagandang uri ng ulan. Bagwis. Itim. Tila ang kabaligtaran ng pagbagsak ng niyebeng pinapangarap ng madla. Ngunit hindi ko mabitiwan si Kar. Hindi ko sila masilip nang ganap.
**
Pumasok na kami sa kwarto ni Kar. Umuulan na naman. Bago kami pumanhik sa kanyang silid, kinunan ko ng litrato ang dambuhalang mga bagwis na nagkalat sa kanilang bakuran, dumampot ng isa at iniakyat. Magkayakap kami sa bean bag niya sa isang sulok ng silid, katabi ng mesang kanyang pinag-aaralan, nang maisipan kong silipin ang mga paskil ng mga tao sa facebook. Panandalian lamang tumila ang ulan.
Pagbukas ko, napakarami nang nagpopost ng mga litrato ng mga taong lumulusong sa baha, mga bahay na nilamon ng tubig, mga kalyeng nag-ilog. Lahat dulot ng ulan. Ulan na napakaganda sanang kunan. Iba naman ang mukha ng kasalukuyan sa twitter: sa halip na mga litrato, daan-daang mga tweet ang sumalubong sa mga mata ko – mga humihingi ng saklolo, mga nagdarasal, mga nanunumbat ng gobyerno, ng mga Pilipino, mga nagtataka sa nangyayari, mga nagrereklamo, mga naaasar sa bagal ng koneksyon nila sa internet, mga na-“BBV” sa tagal ng tinotorrent nilang matapos ang download. May mangilan-ngilan ding nagpaskil ng mga larawan ng mga kalyeng baha, mga taong tumatawid sa mga linya ng kuryente, mga tuta, mga mukha nilang nakangiti.
Nangatal ang selepono ko sa bulsa. Nakasandal si Kar sa sulok na kinauupan namin pareho kanina-nina lang. Nakatulog na yata sa lamig ng aircon ng kanyang silid. Binasa ko ang text: Pupunta ka pa ba dito sa Legarda? Baka bumalik na muna akong Cubao. Sinabi ko: Sige, sa Cubao na lang tayo magkita. Lumapit ako kay Kar at bumulong sa kanya: Kar, pwede mo ba ako ihatid?
Hinarap niya ako, Hm? tanong niya, sa tinig ng bagong-gising sa tulog na hindi pa lumalalim. Saan ka pupunta? Sabi ko, Pupunta ako sa Cubao, tapos, baka sa Marikina. Magkukuha lang ako. Iniangat niya ang katawan niya sa pagkakasalampak. Sa ganitong ulan? Dinig mo ang pag-alulong ng hanging naghahampas ng ulan sa mga bintana ng kwarto. Oo, sabi ko, magandang magkuha sa ganitong panahon. Nanginginig ang mga kalupkop ng durungawang nakatanaw sa bakuran nila, sa bakod nito at sa kalsadang pinagparadahan ko ng Pajero. H’wag kang mag-alala, mag-iingat ako. Nakapanghihinayang e. Parang kawanggawa ko na rin. Pati, photographer ako e. Magandang pagkakataon ito para makakuha ng magagandang litrato. May pangamba sa pagkagat niya ng kanyang mga labi noon. Sigurado ka? tanong niya sa’kin. Tumango ako. As in, sigurado ka talaga? Ibinaling niya ang kanyang mga mata sa durungawang niyuyugyog ng hangin. H’wag na lang, sa ibang pagkakataon na lang kaya? Nakakatakot ang panahon.
Nginitian ko siya, tinitigan sa mata, at sinabing: hindi ako mapapahamak. Niyakap ko siya nang mahigpit. Habang yapos ko siya noon, naramdaman ko siyang bumuntong-hininga. Sige. Ikaw ang bahala. Hinigpitan ko ang yakap ko. Basta, itetext mo ako lagi kung nasaan ka, at kung saan-saan ka pupunta, a. Para lang panatag ako.
“Mahal kita,” bulong ko sa kanya. “Mahal din kita,” anas sa akin ng kanyang tinig, at ng kanyang mga labi sa aking mga labi.
**
“Ibaba mo na lang ako d’yan sa overpass para maka-U-turn ka na kaagad,” sabi ko sa kanya. Si Kar ang nagmamaneho sa Pajero ko. Babalikan ko na lang sa kanila mamayang gabi ang sasakyan. “Sigurado ko talaga dito, a?” tanong niyang muli sa akin. Tumango ako at ngumiti. “Ingat ka,” bulong niya sa akin bago niya ako niyakap nang mahigpit. Hinagkan ko siyang muli. “Babalik ako mamayang gabi.” “Sige, sa amin ka na rin maghapunan.”
Kumaway ako sa kanya habang pinanonood ang paglayo ng Pajero at pagliko nito tungo sa U-turn slot, samantalang nagbabantang mababali ang payong kong hawak sa kanang kamay. Dinadaluhong ng unos. Nang nasa kabilang banda na ng Katipunan ang Pajero’t lumilikha na ng mga alun-alon doon, hinarap ko ang lalakarin ko. Sa mismong bangketa ng tawiran, hindi pa nalalampasan ng tubig ang ibabaw ng sapatos ko, subalit sa mismong lansangan, lagpas-sakong na ang tubig. Tinupi ko ang aking pantalon hanggang tuhod bago ko nilusong ang baha. Ikinubli ko pa rin sa loob ng jacket ko ang aking kamera habang wala pa namang kinukunan; nakatutok naman sa harapan ko ang aking payong, nanginginig. Dahan-dahang nababali.
Sa pagkanan ko sa kanto ng Katipunan at Aurora, kinunan ko ng litrato ang isang lalaking bulag na nag-gigitara at naghaharmonika sa kabila ng ulan. Namamalimos kapalit ng pagtugtog niyang hindi ko naman gaanong naiibigan. Narinig niya ang kindat ng kamera ko, at hiningan ako ng pera. Umusal ako ng paumanhin, at mabilis na naglakad palayo. Lumpo ang lalaki at hindi ako mahabol.
Hindi pa gaanong nalalamon ng tubig-baha ang bangketa ng Aurora patungo sa himpilan ng MRT. Kalahati lamang ng sapatos ko ang inilulubog nito at inaalunan tuwing may mga sasakyang magdaraan. Napakabagal ng kanilang mga takbo. At lalong nababasa ang aking mga paa.
Inilabas kong muli ang kamera ko sa hintayan ng jeep bago ang bukana ng himpilan ng MRT. May silong dito, at napag-isipan kong kunan ng litrato ang mga humihintong sasakyan at nagsisibabaang pasahero. Hindi nila ako pinapansin, malamang dahil na rin sa lakas ng ulan. Nakakuha ako ng isang napakagandang litrato rito: habang naglalakad patungong silong, nakatapat ang ulo ng kanyang payong sa kanyang kaliwa, pananggalang sa bugso ng ulang inihahambalos sa kanya ng hanging nanggagaling sa dako ng Cubao. Ng napakalakas ng hangin.
Kakaunti lang ang taong pasakay ng tren papuntang Maynila. Naglalakad-lakad ang mga tao sa paligid ko, habang nakatayo ako sa platapormang pinag-aabangan ng tren. Tumatagaktak mula sa damit ko ang sinipsip nitong tubig ulan. Sa loob ng isang minuto, darating ang susunod na tren. Nagbabaysak sa sahig ang mga patak ng ulang nakiangkas sa damit ko, sa damit naming lahat na nag-aabang para sa tren, dito sa ilalim ng lupa, sa himpilan ng Katipunan, habang tumataas ang tubig sa mga daanan sa labas.
Nang huminto sa harapan ko ang dulong pintuan ng tren, humakbang ako sa loob, hindi na gaanong tumutulo, at pinanood ang mga patak ng ulan, na parang mga butil ng pawis na nakakapit sa salamin ng pinto, sa nagsasarang mga pinto. Gumaan ang loob ko nang umarangkada ang tren papuntang Cubao. Nakakikilabot dalumatin ang pagkalunod sa pusod ng lupa.
**
Dinatnan ko si Iyang kumakain na sa food court ng Gateway. Habang papaupo ako sa harap niya, sinabi ko: “masama raw sa katawan ang kain nang kain ng manok ng KFC. Lalo na ‘yung balat.” Tugon niya, habang sinusubo ang balat ng manok na makapal at mukhang malutong. Nakatatakam: “Ang sabihin mo, gusto mo lang ibigay ko sa ‘yo ‘to. Kaya nga two piece chicken ang inorder ko, kasi gutom na gutom na ako.”
“O, kumusta ang Legarda?” Naalala kong hindi pa ako kumakain.
“Maulan at malakas ang hangin, tulad ng karamihan sa mga lugar sa Metro Manila ngayong araw.” Tinusok ni Iya ang isa pang piraso ng balat sa kanyang plato. “Grabe, sa balita nga kanina, may mga nakunan silang mga bubong ng bahay na pinaglililipad ng hangin.” Huminto siya sandali sa pagkain at tiningnan ako sa mata, “pero syempre, sa mga squatters’ area yung mga yun, o kung hindi man sa squatter, mga yero yung mga bubong na pinaglililipad.”
“Oo nga, kakaiba yung ihip ng hangin ngayong araw, no? Nung papunta rin ako dito, parang gumegewang-gewang nang kaunti yung tren dahil sa pagbayo ng hangin.”
“Malakas ang ihip ng habagat ngayon.”
“Pero kahapon lang, sobrang init. Nakatatlong bote pa nga ako ng tubig.”
“E, ganun talaga diba? Sabi nga nila, kakaiba na ang weather patterns ngayon dahil sa global warming.”
“Sabagay. Para ngang wala nang tag-init e. Maulan na kahit summer.”
“Oo nga, napansin ko rin yun. Pero alam mo, ayos lang din sa ‘kin.”
“Na ano?”
“Na wala nang tag-init. Basta may bakasyon pa rin tayong mga estudyante, ha. Pero ayos lang nga talaga sa ‘kin na wala nang tag-init. O, parang gulat na gulat ka?’ Natawa siya nang bahagya bago nagpatuloy. “Kasi naman, taong ulan talaga ako e. Sobrang hilig ko sa ulan, masarap maligo dito, magtampisaw, kunan ng litrato, magmuni-muni. Malamig din kapag umuulan. Basta, pakiramdam ko, pinagaganda kasi ng ulan ang mundo.”
“A, pero hindi ba maganda rin naman makakita ng araw paminsan-minsan? Masarap din namang tingnan ang mga bagay na naliligo sa sinag ng araw e, lalo na sa mga umaga na malinaw ang langit, maliwanag.” Mahilig din ako sa ulan, mahilig na mahilig, pero minsan, gusto ko ring nakikita ang bughaw na papawirin, o kaya masinagan ng tanglaw ng araw na kakulay ng sariwang gatas.
“Kung sabagay, pero mas gusto ko rin kasi ang ulan e.”
“Kaya ka ba wet look ngayon?” Tumango si Iya, ngumiti. “O, hindi ka pa ba nagugutom?”
**
Naglalakad kami sa General Roxas Avenue, sa may tapat ng Araneta Coliseum, bahagyang humupa ang ulan, at panandaliang ambon lang ang bumabagsak. Kinukunan ko ang mga sasakyang nagdaraan, ang mga gusali at iba pang mga gawang-tao, habang palimid nanmang nakatutok ang kamera niya sa mga mismong mga tao – mga negosyanteng nagmamadali, mga aleng nakapayong, mga empleyadong sumisipsip ng softdrinks at nagkukwentuhan. Siya ang bumasag sa katahimikan.
“Nakarating akong España kanina. Malalim na ang baha doon. May bus pa ngang napatirik sa tapat ng UST e.”
“Mabuti’t hindi ka na-stranded doon.”
“Oo, mabuti talaga. Pero sobrang nakakatakot yung baha. Malalim, parang ilog na nga talaga. Kulay itim, at may agos pa. Takot na takot nga ako para doon sa mga batang lumalangoy at sumisisidsisid pa kanina.” May lungkot sa kanyang mukha. “Lumusong ako sa baha kanina pabalik sa Legarda station ng LRT. Sulit naman, marami akong nakunan. Pero nakakatakot talaga. Hindi yung baha, a. Oo, hindi pa nga ako lumulusong sa baha kahit kailan, pero naihanda ko na ‘yung sarili ko sa gano’n e.” Tumigil kami sa paglalakad; lumakas na naman ang ulan. Nakisilong kami sa labas ng isang Starbucks sa gilid ng Araneta Coliseum. “Habang nakasakay ako dun sa pedicab, biglang bumugso yung hangin. Napakalakas, mabagsik. Nag-alun-alon ‘yung baha, tapos parang mawawasak ‘yung bubong nung pedicab. Parang liliparin ‘yung padyak. Yakap-yakap ko noon si Patatas. Pakiramdam, liliparin ako kasama ng pedicab. Nung lumipas, nakasubsob ako sa baha, sa loob nung pedicab.”
Nakikita ko pa rin sa mga mata niya ang takot. Umupo na kami noon, at nakatanaw siya sa mga panganorin. Nagpatuloy siya: “Buti may mga tumulong sa ‘kin. Noong natanggal na ang pedicab sa ibabaw ko, nakita ko yung pedicab driver ko, nakasalampak sa isang posteng may bakas-bakas ng dugo niya. Natangay siya ng hangin.”
Mangiyak-ngiyak na siya nang hinarap niya akong muli. Tumayo ako at niyakap siya, habang ibinubulong niya sa mamasa-masa kong jacket ang kanyang mga hikbi.
**
Bumaba kami ni Iya sa Quezon Avenue station ng MRT. Napagpasyahan kong ihatid siya hanggang sa bahay niya, malapit lang daw sa Tomas Morato. Nakaupo kami ni Iya –kakaunti lang ang mga taong nakasabay namin sa nasakyan naming tren. Naisip kong baka hindi na nga lamang nagsilabas ng mga bahay nila ang mga tao dahil sa ulan. Nabanggit nga ng nanay ko na hindi na sila pinapasok sa trabaho noong tinext niya ako ng paalalang h’wag mag-gala. Umuuga-uga ang MRT na kinalululanan namin tuwing wala ang tren sa silong ng mga himpilan. Sumandal sa akin si Iya mula Cubao hanggang Quezon Avenue; hinayaan ko lang siya. Naalaala ko si Karen kanina, noong bumulangit din ang hangin sa kanila kanina, at umambon ng mga bagwis na itim. Iniakbay ko ang kanang kamay ko kay Iya. Bahagya nang malagihay ang itim niyang buhok na dumadaplis sa kanan kong kamay.
Nang umibis kami ni Iya sa himpilan ng MRT sa Quezon Avenue, kumapit nang mahigpit si Iya sa kanang bisig ko, habang nakasukbit sa kaliwang balikat ko ang backpack niya na kinasisidlan ng mga kamera namin. Nakababa na kami sa hagdan, at tumatawid sa tulay na nagdurugtong sa bahagi ng himpilan ng Quezon Avenue na kanugnog ng Centris sa papatimog na pampang ng EDSA, nang huminto si Iya sa paglalakad. Nilingon ko siya, at namalas ang takot sa kanyang mukha.
Tiningala ko ang kinapapakuan ng kanyang paningin: isang itim na bagwis na lumulutang pababa. Dambuhala, gaya ng nakita ko kanina sa bakuran nina Kar. Sinundan ko ito ng tingin hanggang sa lumapag ito sa aming paanan, at pinaglagusaw ang sa nagsanaw na tubig sa gitna ng tulay na naghuhugpong sa dalawang panig ng himipilan ng MRT. Lumapit si Iya sa akin, kumapit sa manggas ko. Tinanong ko siya: “Bakit?”
“Kanina, sa Sampaloc. Bago bumugso ang hangin, napuno ng mga ganyan ang hangin.” Nangangatal ang kanyang tinig. Napatigil din sa paglalakad ang mga taong nakapaligid sa amin, at napatitig sa dakilang balahibong nahulog sa gitna ng lagusan. At sa paligid, muling umambon ng mga bagwis na itim, na tila nagniniyebepag taglamig.
May pumagaspas, at naglagusaw ang papawirin, nahagip ng malakas na bugso ng hangin ang mga bagwis na lumulutang tungo sa lupa. Niyapos ko sa dibdib ko ang ulo ni Iya at idinapa siya kasama ko, sa likod ng konkretong gilid ng lagusan. Waring dantaon ang lumipas bago ko naisipang tumingala mula sa pagkakadukdok sa sahig. Nawala ang mga tao sa paligid. Isang tunog ang pumailanlang matapos maparam ang tunog ng mga pakpak: ang pagbagsak ng isang napakabigat na bagay at ang pagbibitak-bitak ng konkreto, ang kaskasan ng mga batong nagbabantang mababasag. Hinawakan ko sa galang si Iya, at ibinangon ko, kasabay ng aking pagtayo. Binulungang tumindig, tumakbo. Nakatayo kami. Ilang hakbang. At doon namin nakita – isang ibong dambuhala, kasing-itim ng gabing malapot, may mahabang palong at tukang kulay kalaw, at napakapupula ng mga mata. Nagbabaga. Nakadapo ito sa daangbakal ng MRT. Lumingon-lingon. Noon ko napansin, dahan-dahang nabubuo mula sa kulap sa timog, rumaragasa tungo sa ibon ang isang karo ng MRT. Nilingon ito ng ibon. Humuni. Muling bumugso ang ulan at ang hangin. Nabali ang mga sanga ng ilang puno ng mangga sa kalayuan. Nahati sa dalawa ang buong katawan ng ilang puno ng niyog.
Ilang anino ang lumapag mula sa mga panganorin. Astang mandadagit. Nandadagit. Pumailanlang sa hangin ng mapanglaw na hapong iyon ang tawag ng ibon. At ng salaming nadudurog at ang pag-ingit ng bakal na nayuyupi. Kuyom ang mga paa ng ikalawang ibon sa karo ng LRT habang nakatitig naman dito ang iba pang nagsidapo sa riles. Pinagtutuka nila ang karo ng LRT nang ilang beses, tila kinatatakhan, bago mabilis ding pinagsawaa’t itinapon sa nag-uumapaw at rumaragasang ilog ng Marikina sa ilalim.
Humiyaw muli ang ibong nauna sa pagdapo. Tiningnan siya ng iba.
Naalimpungatan ako mula sa pagkakatulala. Niyuyugyog na pala ni Iya ang balikat ko. Nilingon ko siya. Kailangan na nating umalis! Napangiti ako, kani-kanina lang, ako ang mas malay sa aming dalawa. Tinangka niya akong akayin palayo, pababa mula sa himpilan. Ngunit hindi ako makakilos. Parang nag-ugat na ang mga paa ko sa aking kinatayuan. Sinampal niya ako. Masakit. Ngunit naalimpungatan ako. Tinanguan ko siya, hinawakan ang kamay niya’t tumakbo.
Malapit na kami sa hagdan. Muli, may narinig akong pagaspas ng mga pakpak. Bumugso ulit ang hangin, bumulangit. Naging langit ang lupa, at lupa ang langit. Naramdaman kong tumama ang balikat ko sa sahig. Hindi nabagok ang ulo ko, pero umiikot pa rin ang paligid. Nagkalat ang mga sanga at dahon sa aking tabi. May maliliit na batong nakabaon sa balat ng braso ko. Malakas pa rin ang buhos ng ulan. Nararamdaman kong sumusuot sa damit ko, sa likod ko, sa mga bisig ko, sa bumbunan ko ang basa at lamig. Malagkit at nakagiginaw. Nakatayo ako nang bahagya. Yakap-yakap ko pa rin ang kamera ko. Nabitawan ko si Iya. Si Iya, hindi ko na makita. Lumingon-lingon ako. Si Karen, nawawala. Nabitawan ko sa pagbulangit ng hangin. Dumuduyan ang daigdig.
Tumingala ako, sa itaas ng mga baitang, sa isang butas sa kisame, doon ko muling nakita. Ang aninong mandadagit. Nakatiklop sa kanyang tagiliran ang kanyang mga pakpak. Umuulan, pero tila hindi nababasa ang kanyang mga bagwis. Titig na titig sa akin ang kanyang mga nagbabagang mata.
Itinitig ko rin sa kanya ang nag-iisang mata ng kamera ko. Isa laban sa dalawa. Sinilip ko ang ibong nakatitig sa akin mula sa likod ng aking kamera. Burst. Lumuhod ako, nagsimulang magkukuha. Kaya dahan-dahan kong napagmasdan ang titig ng kanyang mga matang nakitang isilang ang daigdig. Kaya dahan-dahan kong napagmasdan ang mga nangyari – napakalinaw, sa bawat pagkurap ng aking kamera – nakita kong ibuka niya ang kanyang tuka, idipa ang kanyang mga pakpak, pumagaspas at pumailanlang tungong papawirin, habang dahan-dahan ko ring napagmasdang mahulog ang mundo mula sa aking kinatatapakan.
**
Hangin lamang ang habagat, sabi ng guro ko. Ngunit naisip ko, kung ibon nga sila, saan kaya sila namumugad?